ABBY AT PAMMY TANDEM INIREKLAMO SA COMELEC

INIREKLAMO sa Commission on Elections (Comelec) sina Makati Mayor Mar-Len Abigail “Abby” Binay at Taguig 2nd District Representative Amparo Maria “Pammy” Zamora dahil umano sa sabwatan nila sa pamimili ng boto sa isang campaign rally na ginanap sa Barangay Cembo noong Abril 10, 2025.

Ayon sa reklamo, nilabag umano nina Binay, tumatakbong senador at Zamora ang Section 261 (a) at (b) ng Omnibus Election Code at Section 26 (p) ng COMELEC Resolution No. 11104 na mahigpit na nagbabawal sa pamimili ng boto at pakikipagsabwatan upang impluwensyahan ang desisyon ng mga botante gamit ang pera o anomang benepisyo.

Batay sa sinumpaang salaysay ng mga nagrereklamo, ipinakilala ni Binay si Zamora sa rally bilang kanyang “counterpart sa Kongreso” at pabirong sinabi: “So mamaya po, magsasalita po si Cong. Pammy, papakitaan niya kayo ng mga limpak-limpak niyang pera dahil marami siyang pondo. Hehehehe. Yari ka, Pammy.”

Makikitang ngumiti lang si Zamora habang sinasabi ito ni Binay at hindi raw ito kinontra, bagay na tinuring ng complainant bilang pagpapakita ng pagsang-ayon. Para sa nagsampa ng reklamo, malinaw na binigyan nito ng ideya ang mga tagapakinig na may gantimpala kapalit ng suporta sa darating na halalan.

Binigyang-diin sa reklamo na hindi kailangan ng aktwal na pamimigay ng pera upang masabing nagkaroon ng vote-buying. Sapat na umano ang pag-aalok, pagbanggit, o pangakong may kaugnayan sa pera o benepisyo para mapasailalim ito sa paglabag sa batas.

Ang pahayag ni Binay at ang tugon ni Zamora ay ginamit na batayan upang ipakita ang pagkakaroon ng sabwatan.

48

Related posts

Leave a Comment