NAGPASALAMAT ang sektor ng agrikultura partikular na ng Agricultural Sector Alliance of the Philippines, Inc. (AGAP) Party-list sa masigasig na pagsuporta ng aktres/vlogger na si Ivana Alawi sa kanilang grupo.
“Huwag ako ang inyong pasalamatan dahil dapat kami ang magpasalamat sa inyo dahil ipinaglalaban ninyo na bumaba ang presyo ng bilihin at upang mayroon pang-araw-araw na pagkain sa hapag-kainan ang bawat mamamayang Pilipino, ” tugon naman ni Alawi.
Ipinahayag ni Ivana na noong nakaraang halalan, wala siyang sinuportahang politiko o Party-list dahil kanya muna itong pinag-aralang mabuti.
“Napakaarte ko at napaka-choosy pagdating sa politiko. Hindi naman ‘yan para sa akin o ikakaganda ko o para sa pamilya ko. Para ito sa Pilipinas, para sa mga kababayan natin. Ano’ yung makakapagpaganda sa bansa natin,” wika ni Ivana.
At sa kanyang pag-iikot habang gumagawa ng mga content sa kanyang mga vlog, nakita niya at naramdaman ang layunin ng sektor ng agrikultura partikular ang mga magsasaka, mangingisda, magbababoy at magmamanok. Tinuran din niya na ang kanyang napupusuan pagdating sa usapin ng agrikultura at ipinaglalaban ang kapakanan ng mga magsasaka ay ang AGAP Party-list sa pangunguna ni Rep. Nicanor “Nikki” Briones.
“Sa ngayon, sinasabi ko na very, very confident ako sa AGAP party-list, hindi naman ako pumapasok sa isang party-list na hindi ko pinag-aralan, nakita kong ang AGAP ang may puso sa mga magsasaka,” ayon pa sa aktres.
Ayon pa kay Alawi, hindi siya tumitingin sa pera para lamang suportahan ang isang Party-list kung ‘di nararamdaman niya ang pangangailangan at paghihirap ng mga nasa sektor ng agrikultura dahil siya mismo lumalabas at namimili nang personal sa palengke at nakita niya ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa merkado.
Pinagtuunan ni Ivana ng pansin kung ano ang magagawa at nagawa na ng isang grupong nais maluklok sa pwesto at talagang ang AGAP Partylist lang ang mayroon ganitong katangian.
Nagpasalamat naman si Rep. Briones sa pahayag ng aktres na gusto niyang tulungan at suportahan ang nasabing sektor.
Umaasa naman ang AGAP na sa pamamagitan ng pagsuporta ng aktres, makakukuha na ang grupo ng tatlong pwesto sa Kongreso upang maipakita sa mga magsasaka at kooperatiba, at 30 milyong Pilipino na nasa sektoral ang kanilang pagmamalasakit.
Ayon pa kay Rep. Briones na sa pamamagitan ni Ivana maipararating nila na kailangan magkaisa at ipaglaban ang sektor ng agrikultura at kooperatiba tungo sa Bagong Pilipinas na siyang hinahangad din ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
