‘FRIENDSHIP GATES’ SOLUSYON NG CAINTA SA MASIKIP NA TRAPIKO

IPINAKILALA ni Mayor Kit Nieto ang tinatawag na “Friendship gates” o magkakakonektang gate sa mga gated na subdibisyon sa paligid ng Marcos Highway, Felix Avenue, at Ortigas Avenue bilang solusyon sa matagal nang problema sa mabigat na trapiko sa mga pangunahing lansangan ng bayan.

Ayon sa alkalde, ang proyekto ay nagsimula sa kanyang sariling lugar ng paninirahan sa pamamagitan ng paggawa ng daanan sa pagitan ng Filinvest at Vista Verde. Sinundan ito ng koneksyon ng Vista Verde patungong Green Park, kaya ang mga motorista mula sa Filinvest ay makalalabas na sa Sta. Lucia nang hindi na daraan sa trapik sa Marcos Highway at Felix Avenue. Para naman sa mga taga‑Vista Verde na may mga anak sa Assumption, mayroon na ring mas maikling ruta patungong Sumulong sa pamamagitan ng border gate ng Vista at Filinvest.

Dagdag pa rito, nagkaroon din ng koneksyon sa pagitan ng Vista Verde at Village East, kung saan ang mga galing sa Village East ay makararating na sa SM Masinag sa pamamagitan ng Vista at Filinvest nang hindi na daraan sa Felix Avenue. Nitong umaga rin ay binuksan ang connecting gate ng Country Homes at Park Place patungong Brookside, na magbibigay ng mas maayos na daanan patungong SM Hypermart sa Felix Avenue nang hindi na daraan sa siksik na junction.

Binigyang‑diin ni Nieto na may kasamang hakbang sa seguridad ang proyekto: gagamitin ang village sticker para sa kontrol sa mga daraan sa loob ng mga subdibisyon, para maprotektahan ang mga residente ng mga village habang pinapayagan ang maayos na daloy ng trapiko.

Marami na umanong nakikinabang sa proyektong “Friendship gates” sa ngayon, habang patuloy pa ring pinag‑aaralan ng lokal na pamahalaan ang susunod na hakbang para sa pagpapalawak nito sa iba pang bahagi ng Cainta.

(KNOTS ALFORTE)

47

Related posts

Leave a Comment