LINAWIN NATIN ni ARDEE DELLOMAS
NILINAW ng Malacañang na ang P22.9 bilyon na inilaan ay hindi lamang sa tatlong araw na summit sa bansa. Ito ay para sa buong taon ng pagiging chair ng Pilipinas sa ASEAN.
Inilahad ng Malacañang, P22.9B ang inilaan — P5.4B sa 2025 budget at P17.5B sa 2026 budget. Kasama dito ang 48th Summit sa Cebu noong Mayo, sa 49th Summit sa Manila, at mahigit 550 na pulong sa buong taon. Kasama rin ang renovation ng PICC, Coconut Palace, World Trade Center, airport facilities, at sa security na kinabibilangan ng 22,944 pulis. Sabi nila, handa sila ipa-audit sa COA ang aktwal na nagastos.
Kumpara sa dating administrasyon: P3.79B lang daw ang nagastos sa hosting sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2017, at P1B noong Arroyo administration. Kaya natural na magtanong ang mga tao, bakit halos 6x?
Ano ang sinasabi ng pamahalaan na makamit natin sa pulong na ito?
1. Ekonomiya at negosyo:
ASEAN Digital Economy Framework Agreement (DEFA) – ito ang pinakamalaking nakuha. Magiging mas madali ang cross-border digital trade, e-commerce, at online payment para sa mga MSME at freelancer natin.
ASEAN-Canada Free Trade Agreement – natapos ang negosasyon, pipirmahan sa 2027. Mas malawak na merkado para sa exporters natin.
Regional power grid cooperation – mahalaga ito ngayon na tumataas ang presyo ng kuryente at langis dahil sa giyera sa Middle East.
2. Seguridad at proteksyon ng OFWs:
Mas pinagtibay ang usapan laban sa transnational online scams – ang mga syndicate na nambibiktima ng mga Pilipino.
Napag-usapan ang proteksyon ng migrant workers at food/energy security.
3. Diplomacy at turismo:
Dahil tayo ang host, tayo ang nag-set ng agenda. Nakaupo tayo sa gitna ng usapan kasama ang US, China, Japan, India, EU, at iba pa. Ito ang tinatawag na “drawing power” ng ASEAN.
Nagkaroon ng bilateral meetings: hal. Pilipinas-Brazil para sa food security at agrikultura, Pilipinas-Canada para sa trade.
Nabigyan ng trabaho at kita ang mga hotel, caterer, driver, at MSME supplier sa Cebu at Manila, at na-promote ang Filipino products sa International Media Center.
Sulit ba? Dito nagkakaiba ang dalawang pananaw:
Sabi ng gobyerno at ni Sen. Erwin Tulfo: Huwag daw husgahan sa gastos, kundi sa outcome. Investment daw ito. Kung magkakatotoo ang DEFA at FTA, at darami ang mga investor at turista, babalik nang mas malaki ang P22.9B.
Sabi naman ni Sen. Imee Marcos at ng mga kritiko: Sa panahon na 7.8% ang inflation noong Oktubre, 2.1% lang ang GDP growth sa Q3, at 5.4% ang unemployment, napakahirap ipaliwanag ang ganyang kalaking gastos. At hindi pa rin napipirmahan ang Code of Conduct sa West Philippine Sea – ang isa sa pinaka-inaasahan sana.
Ang totoo, hindi pa natin masasabi ngayon kung sulit nga.
Ang summit ay parang nagpa-cater ka ng malaking handaan para makipag-usap sa mga kapitbahay tungkol sa negosyo. Sulit ito kung may napirmahan nang kontrata at may bumalik na mga customer. Luging-lugi ito kung puro picture-taking lang at walang follow-through.
Ang magpapatunay kung sulit ay ang susunod na 1-2 taon:
Darami ba talaga ang mga trabaho at investment?
Makabebenta ba ang MSME natin sa Canada at ASEAN gamit ang DEFA?
Bababa ba ang presyo ng kuryente dahil sa power grid cooperation?
Ilalabas ba ng COA ang malinaw na liquidation?
Sa ngayon, may nakuha tayong dokumento at pangako. Ang pera, nagastos na. Ang pakinabang, kailangan pang singilin.
37 