IDINIIN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang isa sa mga abogadong gumawa ng kuwestiyonableng kontrata ng gobyerno sa Maynilad at Manila Water.
Sa pagbisita ni Pangulong Duterte sa Digos City sa Davao del Sur bago matapos ang taon ay pinangalanan ng Chief Executive si Jose Rene Almendras na dating opisyal ng gobyerno at ngayon ay mataas na opisyal ng Manila Water.
“Yung mga empleyado nila noon sa Malacañang na gumawa ng contract, nandiyan ngayon sa kanila. Prominent of those is si Almendras. He’s now an executive sa Manila Water,” ayon kay Pangulong Duterte.
Magugunitang sinabi ni Pangulong Duterte sa kanyang mga talumpati na nais niyang matukoy kung sino ang mga naging abogado ng gobyerno na bumalangkas sa kontrata dahil pabor lahat sa dalawang kumpanya ang probisyon nito at dehado ang gobyerno pati na ang taumbayan.
Binigyang diin ni Pangulong Duterte na kasama sa mga kakasuhan ang mga abogadong gumawa ng kuwestiyonableng kontrata.
Si Almendras ay naging miyembro ng gabinete ni dating Pangulong Benigno Aquino IIII bilang acting secretary ng Department of Foreign Affairs at secretary ng Department of Energy. CHRISTIAN DALE
