PUNA ni JOEL O. AMONGO
ANIM na buwan na lang, matatapos na ang taong 2024, mukhang nawawalan na naman ng pag-asa na makatanggap ng kanilang National Identification (ID) ang ilan nating mga kababayan.
Batay sa reklamo na natanggap ng PUNA, mula sa ilang nag-apply ng National ID sa Barangay 171, Caloocan City noong taong 2022, ay wala pa ring dumating sa kanilang Nat’l ID.
Subalit ang ilan nilang nakasabayan na nag-apply nito ay dumating na ang kanilang ID noon pang 2023.
Ang ipinagtataka ng mga nagrereklamo ay kung bakit ang iba ay natanggap na ito habang ang iba ay hindi pa.
Ayon pa sa kanila, kadalasan pa man din kapag may mga transaksyon sila sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno na may kinalaman sa pagkuha ng requirements, ay kailangan magpakita ng primary ID’s na kinabibilangan ng Comelec, SSS, National ID, at iba pang government issued IDs.
Malaking tulong sana ang National ID dahil ito lang ay sapat na para makakuha ng requirements para sa trabaho.
Pangunahing apektado nito ay ang mga naghahanap ng trabaho sa abroad o Overseas Filipino Workers (OFWs).
Ito na nga lang pag-asa nilang makaahon sila sa kahirapan ay nahahadlangan pa dahil lamang sa pahirapan na pagkuha ng National ID.
Kung pagbabasehan ang ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), milyun-milyong National ID na ang kanilang ini-release.
Ang tanong, bakit marami pa rin ang hindi nakatatanggap ng kanilang ID?
Baliktad po ang nangyayari, kung kailan pa man din computerized na ngayon ang mga opisina, ay lalo pang natatagalan ang pagkuha ng government issued ID.
Tulad halimbawa ng SSS, COMELEC, LTO driver’s license at itong National ID.
Dati-rati noong hindi pa computerized ang mga tanggapan ng gobyerno, ang SSS, at LTO driver’s license ay isang araw lang nakukuha na.
Ngayon inaabot ng 2 hanggang 6 buwan bago i-release sa mga nag-apply nito.
Inaasahan ng mga Pilipino na kapag naging computerized na tayo, kasabay nito ang mabilis na proseso sa mga opisina ng gobyerno, hindi eh, naging kabaliktaran, lalo pang tumagal ang mga transaksyon nila.
Ang isa pang nabubuwisit, kukuha ka ng valid ID sa mga opisina ng gobyerno dahil wala ka nito, ngunit hahanapan ka nila ng valid ID. Ay naku! Ano ba yan?
oOo
Para sa suhestiyon at sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
