MATAPOS ang paghahanda ng Philippine National Police sa paggunita ng sambayanang Pilipino sa All Saints Day at All Souls Day, nakatutok naman ngayon ang pambansang pulisya sa nakatakdang 49th ASEAN Summit na gaganapin sa Pilipinas bilang host at chair.
Partikular na naatasan ng pamunuan ng PNP ang National Capital Region Police Office para maglatag ng security blanket sa kalakhang Maynila na inaasahang magaganap ang maraming aktibidad sa idaraos na pagtitipon ng mga lider sa Asya.
Ayon kay PNP-NCRPO Spokesperson Lt. Col. Hazel Asilo, kasalukuyang isinasapinal ang preparasyon ng kanilang puwersa para sa nalalapit na 49th ASEAN Summit na gaganapin sa bansa sa Nobyembre 16 hanggang 18, 2026, na may Temang: “Navigating Our Future, Together”.
Kumpirmadong dadalo sa nasabing summit ang mga pangunahing lider ng 11 bansa sa ASEAN sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Nakatutok ang Pilipinas sa pagiging ASEAN 2026 chair dahil bukod sa mga kaalyadong bansa sa Asya, inaasahan din ang pagdating ni US President Donald Trump.
Bilang bahagi ng pagpapatupad ng seguridad, inihayag ni Asilo na nakahanda na ang nasa 12,600 na mga tauhan ng pulisya na ide-deploy sa iba’t ibang mahahalagang lugar at pasilidad na pagdarausan ng ASEAN summit activities.
(JESSE RUIZ)
66 