BABAE ITINUMBA SA CAVITE

CAVITE – Patay ang isang 31-anyos na babae nang pagbabarilin ng ‘di pa nakikilalang suspek habang kausap ang isang kaibigan hinggil sa isinanlang cellphone sa Dasmariñas City noong Linggo ng gabi.

Namatay sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si “Ayie”, 31, ng Brgy. San Juan, Dasmariñas City, Cavite.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek na tumakas natapos ang insidente.

Ayon sa ulat, bandang alas-8:25 ng gabi nang mangyari ang insidente sa isang maliit na iskinita sa Purok 3, Brgy. Victoria Reyes, Dasmariñas City.

Ayon sa live-in partner, lumabas ang biktima upang katagpuin ang isang kaibigan upang pag-usapan umano ang cellphone na isinanla sa kanila.

Makaraan ang ilang minuto, nakarinig siya ng dalawang putok ng baril kaya lumabas ito ng bahay ngunit nakita ang biktima na duguan at may tama ng bala at wala nang buhay.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung ano ang motibo sa pagpatay at kung may kaugnayan ito sa isinanlang cellphone.

(SIGFRED ADSUARA)

59

Related posts

Leave a Comment