BADING NA PULIS OK LANG – SOLON

SINABI ni Senator Erwin Tulfo na walang masama sa LGBT members kung gusto nilang sumali sa law enforcement basta ginagampanan nila ang kanilang tungkulin nang mahusay, kasabay ito ng kanyang panawagan sa mga pulis na magsanay sa shooting nang regular upang matiyak ang kanilang proficiency.

Sa pag-ere ng kanyang reaksyon, ikinuwento ng senador nang maging panauhin sa MACHRA Balitaan forum ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA), na noong siya ay field reporter, ay may isang pulis na susugurin ng isang nag-aamok na suspek at may dalang jungle bolo.

Ang pulis ayon sa senador, ay ilang ulit na pinaputukan ang papalapit na suspek pero ni isa man ay ‘di tumama hanggang sa maubusan na ito ng bala at mataga ng suspek.

“Maski pa 300 rounds ang meron ka, kung ‘di ka naman tumatama, balewala,” sabi ni Tulfo na isa ring gun enthusiast.

Ayon sa pahayag ng incoming senator, tanging ang mga pulis na hobby ang shooting ang mahusay sa paggamit at pagputok ng baril.

Iginiit ng senador na dapat suportahan ng gobyerno ng bala kahit re-reload lang ang mga pulis para makapag-practice ang mga ito para sa gun proficiency dahil isa sa dahilan kung bakit ‘di nagpa-practice ang mga pulis ay lubhang malaking gastos ang pagbili ng sariling bala.

“Paano ka magiging pulis, maski 300 rounds ang dala mo, kung ‘di ka naman nakakatama? Dapat i-require every three or 6 months ang mga pulis na mag-firing pero ‘yung bala, libre naman sana, ‘wag na sila bibili kung saan-saan,” saad ng senador.

“Dapat i-provide ng PNP kahit reload lang kung practice lang naman, kasi ang nangyayari kanya-kanya ng bili, unless ginagawa niyang sport,” dagdag ni Tulfo.

Kaugnay naman ng mga pulis na nagladlad na bilang LGBTQ members, sinabi ni Tulfo na hayaan na lang ito.

“Wala ho akong gagawin diyan. Ibig sabihin, kung nag-out sila, mas maganda ‘di ho ba? Alam naman nila ang kapasidad at qualifications nila. Kung pumasa sila sa training at nasusunod naman nila ang lahat ng regulations, why not? Bakit naman natin sisibakin ang mga ‘yun? Basta ho nagagawa nila ang trabaho,” pahayag ni Tulfo.

Idinagdag pa ng senador na: “Hayaan na ho natin. Mas maganda nga ho nag-out na ho sila. They’re trying to be honest. Wala naman tayong batas na bawal hong tumanggap ng mga members ng LGBTQ.”

Samantala, sinabi ni Tulfo na suportado niya ang hakbang ni Philippine National Police (PNP) chief, Police General Nicolas Torre III na i-require ang mga overweight na pulis na alagaan ang kanilang timbang, gayunman sinabi rin ng senador na dapat ay bigyan ang mga overweight na pulis ng dalawa o tatlong pagkakataon sa halip na sisibakin agad.

“Marami diyan buong buhay na nila ang ginugol sa serbisyo, ‘wag naman, dahil sisibakin mo ang kinabukasan nila,” saad ni Tulfo pero iginiit niya na sinasang-ayunan niya na dapat ang pulis ay physically fit at all times.

(JESSE KABEL RUIZ)

69

Related posts

Leave a Comment