Bakuna sa lumalalang epidemya – solon GAMBLING APPS PINABABAKLAS NA SA MGA E-WALLET

“BAKUNA ito sa lumalalang gambling epidemic sa bansa”.

Reaksyon ito ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña sa kautusan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa lahat ng e-wallets na mag-unlink sa lahat ng e-gambling platforms.

Inanunsyo ng BSP sa pamamagitan ni Deputy Governor Mamerto Tangonan ang kautusan sa e-wallets sa pagdinig ng Senado sa lumalalang problema sa online gambling sa bansa na nagiging dahilan para masira ang buhay ng maraming Pilipino.

“This is a big win for Filipinos who suffered, exposed, and resisted the predatory grip of e-gambling,” ayon pa kay Cendaña na isa sa mga may-akda ng Kontra E-Sugal Bill sa Mababang Kapulungan.

Base sa mga report, binibigyan lamang umano ang lahat ng e-wallets ng 48 oras para alisin ang icon at links sa gambling apps na ikinatuwa ng mambabatas dahil kahit papaano ay makakaiwas aniya ang mga Pilipino na magsugal gamit ang e-wallets.

Samantala, ikinatuwa naman ni Cibac party-list Rep. Bro. Eddie Villanueva ang memorandum Circular 2025-082 na inilabas ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nagbabawal sa mga opisyales at empleyado ng local government units (LGUs) na magsugal online.

“This is a welcome move by the DILG as it sends a strong message that public servants must uphold the highest standards of integrity and moral responsibility,” ayon sa mambabatas.

Hindi lingid sa kaalaman ng marami na may mga empleyado ng gobyerno kasama ang mga taga-LGU na nalululong sa online gambling kaya napapanahon aniya ang memorandum ng DILG para iiwas ang mga ito sa gambling addiction.

Pinatitiyak sa BSP

Pinatitiyak naman ng Senate committee on Games and Amusement sa Bangko Sentral ng Pilipinas na matatanggal sa e-wallet platforms ang links sa online gambling.

Sa pagdinig ng komite kaugnay sa online gambling, binalaan ni Senador Erwin Tulfo ang BSP na mahaharap sila sa contempt kung pagdating ng araw ng Linggo ay mayroon pa ring link sa e-wallets ng online gambling.

Ito ay makaraang sabihin ni BSP Deputy Governor Mamerto Tangonan na binigyan nila ng 48 oras o hanggang Sabado ang e-wallet companies at Bangko Sentral Supervised Institutions upang alisin ang mga link.

Nagpahayag ng pagkadismaya ang mga senador dahil ngayon lang inilabas ng BSP ang kautusan at binibigyan pa ng palugit ang mga kumpanya na maaari namang agad-agad gawin.

Sa puna ni Senador Alan Peter Cayetano, sinabi niyang July 25 pa nag-abiso ang BSP sa ilalabas na polisiya subalit ngayon pa lamang nila tuluyang inisyu ang direktiba.

Paliwanag naman ni Tangonan na kailangan nilang bigyan ng palugit ang e-wallet companies upang mabigyan ng pagkakataon ang kanilang mga customer upang i-withdraw ang kanilang pera sa online gambling account.

Nais namang matukoy ni Senador Risa Hontiveros kung sino ang dapat nagpupulis sa mga online sugal na naka-link sa e-wallets at super apps.

Iginiit ng senadora na dahil sa e-wallets at super apps, naging portable ang pagka-casino dahil sa mga kasalukuyang regulasyon.

Unli-sugal anya na walang bantay at wala ring awa dahil isang pindot lang, mauubos na ang kinita sa buong buwan o mababaon pa sa utang ang isang indibidwal.

(BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA)

159

Related posts

Leave a Comment