1 PANG MIYEMBRO NG VELASCO DRUG GROUP, 2 KASAMA TIMBOG

CAVITE – Umabot na sa limang miyembro ng grupo ng Velasco drug group, kabilang ang kanilang lider, ang hawak na ng mga awtoridad makaraang isa pang miyembro nito at dalawang kasama ang naaresto sa buy-bust operation sa Bacoor City noong Sabado ng umaga.

Bukod sa naarestong miyembro ng Velasco Drug Group na si alyas “Kuya”, 38, ng Brgy. Zapote 1, Bacoor City, Cavite, naaresto rin si alyas “Ronnie”, 46, at alyas “Angela”, 26, kapwa residente ng Taguig City, pawang nasa listahan ng High Value Individuals (HVIs) ng pulisya.

Ayon sa ulat, dakong alas-6:30 ng umaga, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Bacoor Component City Police Station, Drug Enforcement Unit na tinawag na COPLAN QUEENE, sa Brgy. Talaba 3, Bacoor City, na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 50 gramo at may market value na P340,000, buy-bust money, isang pouch, cellphone at isang motorsiklong Honda PCX na may plakang 845DKS.

Nitong Sabado ng madaling araw, unang inaresto ang lider ng grupo na si alyas “Emily”, 37, at tatlong miyembro nito na sina alyas “Warly” 40, alyas “Edwin” 43, at alyas “Randy”, 42, sa Virgo St., Brgy. Salinas 2, Bacoor City dakong alas-12:30 ng madaling araw kung saan nasamsam ang tinatayang P108,800 halaga ng umano’t shabu.

(SIGFRED ADSUARA)

58

Related posts

Leave a Comment