BAHAGI SA NATIONAL WEALTH TAX NG ANGAT DAM ILALABAN NG BULACAN

LUNGSOD NG MALOLOS—Maghahain ng motion for reconsideration sa Supreme Court (SC) ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Governor Daniel Fernando, kaugnay ng inilabas na desisyon kamakailan ng Kataas-taasang Hukuman na nagtanggal sa lalawigan sa mga karapatan nito o share sa nasabing national wealth tax.

Sa panayam kay Gov. Daniel Fernando, matapos matanggap ang kopya ng desisyon ng SC, agad inatasan nito si Provincial Legal Officer (PLO) Abogado Gerard Nelson Manalo, na hilingin sa mataas na hukuman na muling isaalang-alang ang hinahabol na rights o share na dapat ay matanggap ng provincial government mula sa koleksyong buwis.

Inilabas ng Supreme Court en banc ang desisyon nito lamang Marso 22, 2024 ngunit noong Oktubre 2023 pa ang petsa ng order, na nagpapasya na ang tubig sa dam ay isang angkop na tubig na inalis na sa mga likas na yaman, at sa gayon, hindi na maaaring sumailalim sa buwis sa pambansang kayamanan.

Binanggit sa desisyon na nagkamali umano ang Court of Appeals na kung saan ay pinagtibay nito noong Mayo 30, 2008 ang local court’s ruling ng Bulacan Regional Trial Court noong Hunyo 3, 2005 na kung saan ay napatunayan dapat managot ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na bayaran ang provincial government of Bulacan ng share sa paggamit at pagpapaunlad ng tubig ng dam na isang national wealth.

Iniutos din ng gobernador kay Manalo na banggitin ang mga batas na nagsasaad at nagtatakda para sa mga karapatan ng local government unit sa nasabing national wealth partikular na sa nakolektang buwis nito.

Iniakyat ng MWSS sa Kataas-taasang Hukuman ang desisyon ng Court of Appeals at dito ay binaligtad ng Korte Suprema at isinantabi ang 2008 decision na pabor sana sa provincial government ng Bulacan.

“The moment that water from Angat River is already appropriated and impounded into the Angat Dam, it ceases to form part of natural resources,” ayon sa desisyon ng high tribunal na isinulat ni Associate Justice Henri Jean Paul Inting.

Hindi naman kumbinsido si Gob. Fernando na ang tubig mula sa Angat Dam ay hindi na maituturing na natural resources, kaya naman inihahanda na ng provincial government ng Bulacan ang paghahain ng apela sa Korte Suprema.

Sinabi ng gobernador na aabot sa bilyong halaga ang dapat sana ay ibabalik sa provincial government na mapakikinabangan ng mga Bulakenyo.

Ang Angat Dam ay matatagpuan sa mga bayan ng Norzagaray at Doña Remedios Trinidad (DRT) na bahagi ng kabundukan ng Sierra Madre.

(ELOISA SILVERIO)

79

Related posts

Leave a Comment