1 PATAY, 2 SUGATAN SA NIRATRAT NA BINYAGAN

QUEZON – Hindi umabot nang buhay sa ospital ang isang negosyante habang sugatan ang dalawa nitong kasama makaraang pagbabarilin habang nag-iinuman sa pagdiriwang ng binyagan sa isang bahay sa Sitio Kampuklo, Brgy. Buenavista West, sa bayan ng Candelaria sa lalawigan noong Biyernes ng gabi.

Tinamaan ng mga bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Manolito Laygo, 56, habang tinamaan ng mga ligaw bala sa leeg at binti ang dalawang kainuman nito na sina Sergio Bosita, 61, at Edwin Aquino, 51-anyos.

Batay sa report ng Candelaria Police, mag-aalas-9:00 ng gabi, nag-iinuman ang tatlo sa bahay ng kapitbahay nilang si Lester Delos Reyes, nang dumating ang suspek na si alyas “Roy”, 53, na armado ng .45 kalibreng baril.

Pinagbabaril nito si Laygo na hindi na nakaalis sa pagkakaupo habang nahagip din ng bala ang dalawang biktima.

Naaresto naman ng nagrespondeng mga tauhan ng Candelaria Police ang suspek na nahaharap sa kasong murder at frustrated murder.

Patuloy pa ang imbestigasyon at inaalam pa ng pulisya ang motibo sa krimen.

(NILOU DEL CARMEN)

43

Related posts

Leave a Comment