BATANG BABAE GINAHASA’T PINATAY, ISINAKO SA QUEZON

QUEZON – Natagpuang nasa loob ng sako ang bangkay ng isang 7-anyos na batang babae na hinihinalang ginahasa bago pinatay sa bayan ng Atimonan sa lalawigan.

Nadiskubre ang katawan ni Mae France Nera, taga Barangay Zone 4, dakong alas-2:00 ng hapon noong Sabado, matapos i-report sa pulisya ng isang binatang scavenger at ng isang 9-anyos batang lalaki na kalaro nito, na nakita umano nila ang biktima na nakasilid sa sako sa magubat na bahagi sa boundary ng Barangay Tagbakin at Zone 2 sa nasabing bayan.

Ngunit sa pagsisiyasat ng pulisya, lumabas na ang 20-anyos na scavenger na si Peter Austria Aureada na taga San Pablo City, ang siyang responsable sa krimen.

Ayon kay Maj. Ma. Elena DR Lumaban, hepe ng Atimonan Police, base sa kuha ng CCTV, nakitang magkasunod na naglalakad ang biktima at ang suspek sa isang kalsada patungo sa direksyon ng crime scene.

Kita rin sa kuha ng CCTV na dala ng suspek ang sako na siyang pinagsidlan sa labi ng bata matapos na ito ay paslangin.

Nabatid pa sa imbestigasyon ng pulisya, natuklasan na walang saplot na pang-ibaba ang biktima at duguan ang maselang bahagi ng katawan nito, indikasyon na ginahasa muna ito bago pinatay.

Ayon pa kay Maj. Lumaban, may bukol ito sa noo ngunit inaalam pa nila kung ano ang sanhi nito.

Sa pahayag naman ng batang lalaking kalaro ng biktima na si Gilbert, naglalaro sila noong Sabado ng tanghali habang pinanonood sila ng suspek hanggang sa biglang nawala ang dalawa.

Doble dagok naman ang insidente sa pamilya ng biktima dahil nito ring araw ng Sabado ay pumanaw ang ama ng biktima na naka-confine sa ospital dahil sa karamdaman.

Nasa kustodiya na ng Atimonan PNP ang suspek na sasampahan ng kasong rape with homicide.

(NILOU DEL CARMEN)

135

Related posts

Leave a Comment