1 PATAY, 8 SUGATAN SA RAMBOL NG VAN, MOTOR AT TANKER

DAVAO DEL SUR – Patay ang isang motorcycle rider habang sugatan ang walo pang biktima matapos magkarambola ang isang pampasaherong van, motorsiklo at oil tanker sa national highway sa Digos City sa lalawigang ito, noong Martes ng umaga.

Ayon sa report ng Digos City Police, nangyari ang insidente sa harap ng Davao Del Sur Provincial Coliseum sa Barangay Matti dakong alas-11:45 ng umaga.

Magkasunod na tumatakbo ang oil tanker at van sa Davao-Cotabato highway nang tangkaing mag-overtake ng van subalit sumabit ito sa tanker kaya nawalan ito ng kontrol at nasalpok ang kasalubong na motorsiklo.

Sa lakas ng pagkabangga tumilapon sa kabilang lane ang driver ng motorsiklo na kinilalang si Jeffrey Nunez, 48, na nasagasaan nang pumailalim sa oil tanker na agad nitong ikinamatay.

Nasugatan naman ang 8 pasahero ng van na agad isinugod sa Davao Del Sur Provincial Hospital.

Ikinustodiya ng Digos City Police ang driver ng van na si Roy Quidlat Elegino, 59, at ang driver ng oil tanker na si Noel Testado, 35, habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

(NILOU DEL CARMEN)

98

Related posts

Leave a Comment