1,500 KASO NG HIV NAITALA

UMABOT sa halos sa 1,500 kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) ang naitala ng Department of Health nitong nakalipas na Enero.

Lumitaw sa ulat ng DOH, nasa 39 na ang namatay dahil sa impeksyon.  Ayon pa sa  DOH, ang sexual contact  ang pinakakaraniwang paraan ng transmission na may 1,431 kaso.

Anim na indibidwal ang nagkaroon ng impeksyon sa HIV sa pamamagitan ng mother-to-child transmission at tatlong kaso sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga nahawaang karayom. Mayroong 14 kaso na walang data sa paraan ng transmission.

Sinabi pa ng ahensya, ang mga rehiyon na may pinakamaraming bilang ng bagong kaso ay mula sa National Capital Region (397), Calabarzon (233), Central Luzon (194), Central Visayas (94), at Western Visayas (91).

“These regions comprised 69 percent of the total number of cases in this period,” ayon pa sa DOH.

Samantala, sa mga bata at kabataan, sa kabuuang HIV infection noong Enero, 86 kaso ay edad 19 pababa.

Sa 86, sinabi ng DOH na 79 kaso ang mga kabataan na edad 10 hanggang 19 habang pitong kaso ang mga bata na edad 10 pababa.

Sa pamamagitan ng pakikipagtalik ang halos lahat ng 78 sa mga iniulat na kaso ng mga kabataan. Ang ibang kaso ay walang data sa paraan ng transmission.

Ang anim naman sa mga bata na may edad dalawa hanggang siyam, ang nakuha ang HIV sa pamamagitan ng vertical transmission o mother-to-child, habang ang isang kaso ay walang datos ng mode of transmission.

Naiulat ang unang kaso ng HIV infection sa bansa noong Enero 1984.

Simula noon, ang Pilipinas ay nakapagtala na ng kabuuang 110,736 na kaso. (RENE CRISOSTOMO)

276

Related posts

Leave a Comment