2 ABANDONED VEHICLES INUUGNAY SA NASABAT NA 1.4 TONS DROGA

POSIBLENG konektado sa 1.4 tons ng illegal drugs na nasabat sa Batangas noong Abril 15, ang dalawang SUV na inabandona sa bayan ng San Luis sa lalawigan ng Pampanga.

Natuklasan ng mga awtoridad na isang itim na Toyota Land Cruiser ang inabandona sa isang sementeryo, at isang puting Ford Explorer naman ang iniwan sa open parking space ng isang sabungan.

Nakita ang dalawang sasakyan pasado alas-onse ng gabi noong Linggo, Abril 21.

Ayon kay PCol. Jean Fajardo, spokesperson ng PNP, base sa pag-review ng PNP sa mga lugar na dinaanan ng Foton van na kinargahan ng droga, nakita na may kasunod pa itong mga sasakyan na tumutugma sa profile at description ng dalawang inabandonang sasakyan.

Bukod aniya roon sa plaka na nakakabit na tinitiyak na ipinalit lamang, ay may nadiskubreng iba pang plaka ng sasakyan na na-recover sa loob mismo ng dalawang abandonadong sasakyan.

Dito na nabuo ang teorya ng pulisya na ang dalawang natagpuang sasakyan ay ang 2 sasakyang nasa unahan at hulihan ng nasabat na Foton van sa Alitagtag, Batangas kung saan nasamsam ang 1.4 tons ng shabu noong Abril 15.

“Iniimbestigahan pa ng PNP kung genuine ang plaka o tinatawag na mga kambal plaka o plate numbers ang mga nakita,” ayon pa kay Col. Fajardo.

Isasailalim ang mga ito sa macro etching para malaman kung tampered at upang makilala ang tunay na may-ari at tunay na kaugnayan ng mga ito sa nasabat na droga sa Batangas.

(NILOU DEL CARMEN)

50

Related posts

Leave a Comment