2 BARKO NAGBANGGAAN SA BATANGAS

BUMANGGA ang isang motor vessel sa isang motor tanker sa karagatan ng Mabini, Batangas noong Abril 22, ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Huwebes.

Sinabi ng PCG, bumangga ang M/V Everwin 11 sa kaliwang likurang bahagi ng Mtkr Oak Express na nakadaong sa Landoor Pier.

Base sa ulat ng M/V Everwin 11, sinabi ng PCG na ang malakas na agos ng dagat at hangin ang naging dahilan upang makaladkad at sumalpok ang nagmamaniobra na sasakyang de-motor, sa Mtkr Oak Express.

Ayon sa PCG, bumaliko ang stanchion post, railing at hatch cover arm ng motor vessel sa kaliwang bahagi nito habang ang motor tanker ay nagkaroon ng dents, gasgas, at butas na port quarter plating.

Isang masusing inspeksyon ang isinasagawa ng Coast Guard Sub-station Mabini, Maritime Casualty Investigation Service ng Maritime Safety Service Unit, at Port State Control sa Southern Tagalog.

Walang namang iniulat na malaking pinsala o senyales ng oil spill mula sa mga sasakyang-dagat, ayon pa sa PCG.

(JOCELYN DOMENDEN)

38

Related posts

Leave a Comment