2 LALAKI INATAKE NG ARMADO, 1 PATAY

CAVITE – Patay ang isang lalaki nang pagsasaksakin ng kanyang kainuman nang magkapikunan sa kanilang kwentuhan sa Dasmariñas City sa lalawigan nitong Huwebes ng madaling araw.

Sa mismong lugar ng inuman nalagutan ng hininga ang biktimang si alyas “Gil”, nasa hustong edad, habang kusang loob namang sumuko ang suspek na si alyas “Fredo”.

Ayon sa ulat, nag-iinuman ang biktima at suspek na inabot ng madaling araw ngunit sa kalagitnaan ng kanilang kwentuhan ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo.

Hanggang sa naglabas ng patalim ang suspek at pinagsasaksak ang biktima na nagresulta sa pagkamatay ng huli dakong alas-4:30 ng madaling araw sa Brgy. Burol Main, Dasmariñas City.

Samantala, tinutugis ng mga awtoridad a ang isang motorcycle rider na bumaril sa isang lalaki sa loob ng bahay nito sa Trece Martires City sa nasabing lalawigan nitong Huwebes ng umaga.

Nilalapatan ng lunas sa Gen. Emilio Aguinaldo Hospital ang biktimang si alyas “Efren” ng Brgy. Aguado, Trece Martires City, dahil sa mga tama ng bala sa katawan.

Inaalam naman ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek na tumakas lulan ng motorsiklo.

(SIGFRED ADSUARA)

60

Related posts

Leave a Comment