BATANGAS – Nasamsam ng magkasanib na mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) – Batangas Provincial Field Unit, Rosario, Batangas Municipal Police Station at ng mga tauhan ng isang cigarette company, ang P1.6 milyong halaga ng mga pekeng sigarilyo sa entrapment operation sa bayan ng Rosario sa nasabing lalawigan noong Huwebes ng tanghali.
Naaresto rin sa operasyon ang dalawang suspek na kinilala lamang sa mga pangalang alyas “Mark” at “Ronnie”, kapwa residente ng Brgy. Tulos, Rosario, Batangas.
Isinagawa ng mga awtoridad ang operasyon dakong alas-12:00 ng tanghali sa Brgy. San Carlos, Rosario matapos na magreklamo ang isang kompanya ng sigarilyo sa pamemeke umano sa kanilang mga produkto.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang 26 na kahon ng mga pekeng sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng P1,601,730, isang cellular phone at boodle money.
Ang nakumpiskang mga pekeng sigarilyo at ang naarestong mga suspek ay dinala sa tanggapan ng CIDG Batangas PFU.
Nahaharap ang dalawa sa kasong paglabag sa RA 8293 o Intellectual Property Rights Code of the Philippines at RA 10643 o An Act To Effectively Instill Health Consciousness Through Graphic Health Warnings On Tobacco Products.
Pinuri naman ni PBGen. Paul Kenneth Lucas, Regional Director ng PRO CALABARZON, ang lahat ng operating units na kabilang sa matagumpay na pagdakip sa mga suspek at pagkumpiska sa mga pekeng sigarilyo.
(NILOU DEL CARMEN)
358