2 LADY BOARDERS PATAY SA KASERO

DAVAO CITY – Patay ang dalawang lady boarders matapos saksakin ng biyudong kasero sa kanilang boarding house sa Barangay 2-A sa lungsod noong Huwebes ng umaga.

Duguan at wala nang buhay na nakahandusay sa kanilang kuwarto nang madatnan ng mga awtoridad ang mga biktimang sina Cora Andagit, 20, at Jazel Joy Indoy, 15, parehong taga Brgy. Salumay sa Marilog District.

Ayon kay Police Captain Hazel Tuazon, spokesperson ng Davao City Police, ang isa sa mga biktima ay walang saplot na pang itaas.

Kapwa may mga tama ng saksak sa dibdib ang dalawa at posibleng pinatay ang mga ito habang sila ay natutulog.

Kinilala naman ang suspek sa krimen na si Marcial Gonzales, 52, nakatira rin sa apartment at siyang may-ari ng bahay.

Ayon sa isang babaeng nakasaksi sa krimen, nakita siya ng suspek nang ito ay papatakas dakong alas-6:00 ng umaga.

Sinabihan umano siya ng suspek na tumawag sa mga awtoridad dahil pinatay raw niya ang dalawang babaeng kapitbahay.

Naaresto naman ito ng mga awtoridad sa hot pursuit operation sa Barangay Kapatagan sa Digos City, Davao del Sur noong Huwebes ng hapon.

Ayon sa imbestigasyon, sinabi nitong naingayan siya sa dalawang babae kaya nagawa niya ang krimen.

Nakakulong na ang suspek sa Davao City Police Station custodial facility at nahaharap sa kasong double murder.

(NILOU DEL CARMEN)

 

67

Related posts

Leave a Comment