2 NALUNOD SA OUTING SA QUEZON

QUEZON – Nagtala ng dalawang kaso ng pagkalunod sa magkahiwalay na insidente sa lalawigan nitong weekend.

Unang nalunod ang binatang service crew na kinilala sa pangalang “Melchor”, 23-anyos, habang naliligo sa ilog sa Hayahay Agos Resort sa Barangay Magsaysay, Infanta, Quezon mag-aalas 11:00 ng umaga noong Linggo.

Kasama nito ang kanyang pinsan na naliligo sa mababaw na bahagi ng Agos River habang nagluluto naman ng pagkain ang kanilang mga kasama. Pagkalipas ng ilang minuto ay nakita na lamang itong nakalutang sa tubig.

Agad itong sinaklolohan at isinugod sa ospital subalit idineklara itong dead on arrival ng doktor.

Sa bayan ng Tagkawayan, nalunod din ang isang miyembro ng barangay lupon ng Brgy. Guinosayan Calauag, na kinilalang si “Gabriel”, habang naliligo rin sa ilog.

Ayon sa imbestigasyon, kasama ito sa picnic ng mga miyembro ng Sangguniang Barangay nang maligo pagkatapos na uminom ng alak.

Ngunit bigla na lamang itong nawala at lumubog sa tubig.

Nagtulong-tulong ang mga kasama nito sa paghahanap subalit natagpuan itong wala nang buhay sa ilalim ng tubig pagkaraan ng ilang oras na search and rescue operation.

(NILOU DEL CARMEN)

51

Related posts

Leave a Comment