2 PASAWAY SA KALSADA HULI SA BARIL, GRANADA

CAVITE – Dahil sa pagiging pasaway sa kalsada, inaresto ang dalawang kalalakihan na sakay ng isang tricycle makaraang makumpiskahan ng baril at granada sa Trece Martires City noong Lunes ng gabi.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9516 (Illegal Possession of Firearms and Explosives) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang mga suspek na sina alyas “Crisanto” at “Carlos”.

Ayon sa ulat, nagpapatrolya ang mga operatiba ng Trece Martires City Police at Bantay Bayan ng Brgy. De Ocampo, nang napansin ang isang asul na tricycle habang binabagtas ang kahabaan ang Brgy. De Ocampo ng naturang lungsod, na palipat-lipat ng magkabilang lane ng kalsada dakong bandang alas-9:10 ng gabi.

Dahil dito, pinara ng mga pulis ang tricycle ng mga suspek at sa puntong ito ay napansin ang nakasukbit na baril sa beywang ni Crisanto.

Nang binuksan ang beltbag ni Carlos ay bumulaga naman ang isang granada na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto.

(SIGFRED ADSUARA)

43

Related posts

Leave a Comment