4 PATAY SA KEMIKAL MULA SA HINUHUKAY NA BALON

NUEVA VIZCAYA – Apat na kalalakihan, kabilang ang isang barangay kagawad, ang namatay matapos na makalanghap umano ng nakalalasong kemikal sa hinuhukay na balon ng tubig sa bayan ng Bambang sa lalawigan noong Lunes ng hapon.

Kinilala ang mga biktimang sina Barangay Kagawad Marlon Orden, Jeremias Padilla, Dioniso Alosen at Selvino Mendoza, pawang mga residente ng Barangay Magsaysay Hill.

Ayon sa inisyal na report ng Bambang Police, bandang alas-10:00 ng umaga nang magsimulang maghukay ang tatlo sa mga biktima sa bakuran ng isang residente.

Subalit nang nasa 10 metro na ang lalim ng balon, narinig na lamang ng mga residente na humihingi ang mga ito ng tulong na makaahon.

Kaagad namang nagresponde ang barangay kagawad na si Orden, subalit na-trap din ito sa ilalim ng hukay.

Isa pang residente ang nagtangkang tumulong at lumusong sa hukay gamit ang lubid, subalit nasa gitna pa lamang ito ay sumalubong na sa kanya ang matapang na amoy ng kemikal kaya bago pa man ito nawalan ng malay ay humingi na ito ng saklolo para makabalik sa itaas. Magkakasunod namang narekober ng mga rescuer ang wala nang buhay na mga biktima mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi.

Batay sa isinagawang pagsusuri ng mga awtoridad gamit ang gas detector, napag-alaman na methane gas ang nalanghap ng mga biktima sa hukay.

(NILOU DEL CARMEN)

48

Related posts

Leave a Comment