2 PATAY, 3 SUGATAN SA SALPUKAN NG GOV’T VEHICLE AT TRUCK

SOUTH COTABATO – Patay ang dalawang empleyado ng LGU ng Tupi sa lalawigan matapos sumalpok ang sinasakyan nilang pick-up sa sinusundang truck at masalpok pa uli ng kanila namang kasalubong na isa pang truck sa national highway sa Barangay Polonuling sa nasabing bayan noong Huwebes ng umaga.

Kinilala ang mga nasawi na sina Mark Anthony Romano Zabala, 35, nagmamaneho ng Mazda pick-up na official vehicle ng LGU, at Hernando Carlo Cortez, 26-anyos.

Ayon sa report ng Tupi Police, mag-aalas 5:00ng umaga, binabaybay ng pick-up ng mga biktima ang national highway nang tangkain ng mga itong mag-overtake sa sinusundang ten-wheeler truck, subalit nawalan ng kontrol ang nagmamaneho nang sumabit sila sa hulihan ng nasabing truck.

Hindi naman nakapapreno ang kasalubong nilang isa pang truck at naka-head-on collision ng pick-up.

Halos nawasak ang buong unahan ng pick-up na grabeng ikinapinsala ng dalawa.

Isinugod sila sa Tupi Municipal Hospital subalit kapwa idineklarang dead on arrival ng doktor.

Sugatan din ang tatlong sakay ng ikalawang truck na isinugod sa South Cotabato Provincial hospital.

(NILOU DEL CARMEN)

46

Related posts

Leave a Comment