FOREIGNER SA LIKOD NG 1.4 TONS NG SHABU TINUTUGIS PA – PNP

INIHAYAG ng Philippine National Police na tuloy-tuloy ang isinasagawang follow-up operation kaugnay sa pinakamalaking bulto ng droga na nasabat ng mga awtoridad sa Alitagtag, Batangas kamakailan.

Ito ay makaraang makatakas umano ang isang Canadian national na hinihinalang may kaugnayan sa tangkang pagpuslit ng 1,424.253 kilograms ng high grade shabu.

Ayon sa ulat, sinalakay ng mga operatiba ng Drug Enforcement Unit ng PNP at Batangas Police ang nirerentahang bahay ng isang Canadian national na iniuugnay sa nasabat na P9.6-B na ilegal na droga.

Ayon sa PNP-Police Regional Office 4-A, isinagawa ang operasyon kahapon ng madaling araw.

Armado ng search warrant na inilabas ng korte kaugnay sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act, sinalakay ang tinutuluyan ng suspek sa Maya-maya Ocean residences sa Brgy. Natipuan, Nasugbu, Batangas.

Sinasabing nagmula ang nasabat na droga sa Nasugbu subalit hindi natagpuan ng mga pulis ang nasabing suspek at wala rin umanong nakitang ebidensiya sa sinalakay na bahay kaya hindi pa rin tukoy ang partisipasyon ng banyaga sa nasabing drug haul.

Samantala, nasa kustodiya ngayon ng mga awtoridad ang isang yate na pinaniniwalaang pinaglagyan ng mahigit isang toneladang shabu bago ito tuluyang nasabat sa isang checkpoint.

Ayon kay PNP Chief, Gen. Rommel Francisco Marbil, iniimbestigahan na sa kasalukuyan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang naging papel ng yate sa pag-transport ng P9.6 bilyong halaga ng droga.

Sinasabing nanggaling ng Nasugbu, Batangas ang droga bago ito nasakote ng PNP.

Ani Marbil, may mga person of interest pang sinusundan ang PNP at maging ang mga sasakyang posibleng nagamit sa pagtransport ng droga sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng pulisya.

Tiniyak ni Marbil na magiging air tight ang kaso laban sa mga suspek habang tuloy-tuloy ang ginagawa nilang case build up laban sa driver ng van at iba pang mga posibleng sangkot.

(JESSE KABEL RUIZ)

84

Related posts

Leave a Comment