2 PATAY SA MOTORCYCLE DRAG RACING SA COTABATO

COTABATO – Nauwi sa aksidente ang isinagawang illegal drag race ng ilang motorcycle riders sa bahagi ng Cotabato-Kidapawan Highway, Barangay Ulamian, sa bayan ng Libungan sa lalawigan noong Sabado.

Ayon sa report ng Libungan PNP, sumalpok sa isang tricycle ang isa sa mga motorsiklong kalahok sa karera na tinatawag ng mga lokal na “waswasanay”.

Nagresulta ito sa pagkamatay ng rider na kinilalang si John Lloyd Calawigan, at ang pasahero ng nasalpok nitong tricycle na si Genevieve Daclan Villela, 42-anyos.

Sugatan din at nasa ICU pa ang mister ni Villela na si Florante na siyang nagmamaheno ng tricycle na nabundol ni Calawigan mula sa likuran habang nakikipagkarera sa ilang kapwa drag racers.

Bago pa ang aksidente ay umaksyon na ang Libungan LGU sa pamamagitan ng kanilang Municipal Peace and Order Council, MDRRMO at PNP hinggil sa reklamo laban sa illegal drag racing sa lugar at nagtayo ng police outpost sa area subalit nakalulusot pa rin ang mga nagkakarera kapag napag-alamang walang naka-duty na mga awtoridad.

Plano ngayon ng Libungan Municipal Peace and Order Council na mas paigtingin ang kanilang pagbabantay sa drag racers para hindi man mawala ay mabawasan ang nangyayaring aksidente sa kanilang lugar.

(NILOU DEL CARMEN)

93

Related posts

Leave a Comment