2 PILOTO PATAY SA NAVY TRAINING CHOPPER CRASH

CAVITE CITY – Patay ang dalawang piloto ng Philippine Navy (PN) makaraang bumagsak ang isang training helicopter malapit sa pampublikong palengke sa lungsod nitong Huwebes ng umaga.

Isinugod sa Cavite Medical Center si Pilot Lt. John Kyle Borres, 36, tubong Cebu, ngunit idineklarang dead on arrival, habang sa Bautista Hospital dinala si Co-Pilot ENS Izzah Leonah Taccad, 26, tubong Isabela, subalit nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas.

Ang dalawa ay kapwa miyembro ng Philippine Navy (PN) at nakatalaga sa Naval Air Wing, Sangley Point, Cavite City.

Ayon sa ulat ni Police Master Sergeant Armangel Genuino ng Cavite City Police, dakong alas-6:30 nitong Huwebes ng umaga nang mangyari ang insidente sa Draga Reclamation Area sa Barangay 57, Cavite City.

Nabatid na nag-take off sa Sangley Point ang dalawang piloto sakay ng isang R22 Robinson helicopter, habang nagsasagawa ng flight training ngunit bumagsak sa nasabing lugar malapit sa palengke ng Cavite City.

Kinumpirma rin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na isang training helicopter ang sangkot sa insidente.

Nakipag-ugnayan na ang pulisya sa Philippine Navy at inaalam kung ano ang naging sanhi ng pagbagsak ng nasabing training helicopter.

(SIGFRED ADSUARA)

64

Related posts

Leave a Comment