JEEPNEY DRIVER PATAY SA PAMAMARIL

BATANGAS – Patay ang isang 41-anyos na lalaki matapos na barilin ng kapwa jeepney driver sa Lipa City sa lalawigan noong Miyerkoles ng umaga.

Kinilala ang biktimang si Jay Labiaga, 41, residente ng Brgy. Lumbang sa lungsod.

Ayon sa report ng Lipa City Police, dakong alas-7:30 ng umaga, nag-aayos ng kanyang pampasaherong jeep ang biktima sa harap ng kanilang bahay nang dumating ang suspek na si alyas “Christopher”, 35, na kanilang kapitbahay, at bigla na lamang siyang pinaputukan ng .45 kalibreng baril.

Agad isinugod ang biktima sa Metro Lipa Medical Center subalit nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas.

Tumakas naman ang suspek matapos ang pamamaril subalit nahuli ito ng nagrespondeng mga pulis sa hot pursuit operation sa kanyang bahay.

Natagpuan naman sa gilid ng bahay ang ginamit nitong baril na tinangka nitong itapon.

Ayon sa pulisya, may matagal nang alitan ang dalawa na siyang naging dahilan ng pamamaril.

Nahaharap ang suspek sa kasong murder.

(NILOU DEL CARMEN)

 

47

Related posts

Leave a Comment