3 KILO NG SHABU NASABAT SA PASAY

TINATAYANG umabot sa mahigit P20 milyong halaga ng ilegal na droga na nagmula sa Vancouver, Canada, ang nasamsam sa isinagawang anti-narcotics interdiction ng mga awtoridad sa Pasay City.

Ayon sa ulat nitong Martes, hawak na ng Philippine Drug Enforcement Agency ang tatlong kilo ng hinihinalang shabu na tinangkang ilabas ng dinakip na suspek na kinilalang si Mohammad Tammy Bagatao, a.k.a. Joseph Manasseh Acogido, 51-anyos.

Si Bagatao ay inaresto ng mga miyembro ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group at PDEA sa isinagawang interdiction operation sa Central Mail Exchange Center (CMEC), Domestic Road, Pasay City.

Nakuha ng mga awtoridad mula sa suspek ang tatlong self-sealing transparent plastic pouches na naglalaman ng halos 3 kilo ng white crystalline substance na hinihinalang shabu at tatlong magkakaibang IDs.

Agad na dinala ang suspek at mga ebidensya sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) office para sa wastong dokumentasyon, disposisyon at follow-up investigation.

Kakasuhan ang suspek ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Depensa naman ng suspek, napag-utusan lang siya ng kakilala na kunin ang parcel kapalit ng P10,000 na gagamitin niya sanang pamasahe pauwi ng probinsya.

Ayon kay Jean Atibagos, OIC Deputy ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADTG), may nakita silang kahina-hinalang imahe nang dumaan ang item sa x-ray.

“Pina-K9 sniffing siya, pinaamoy sa aso. Umupo ‘yung aso which means may indication na positive,” sabi ni Atibagos.

“May nag-claim, gumamit siya ng another name. Nung kinlaim niya, binuksan ni examiner and then doon sa testing kit, lumabas na methamphetamine,” ani Atibagos.

“May kausap ako, nagkita kami dun sa may Alabang, dinala po ‘yung I.D. na dalawa. Sabi sa ‘kin ay lagyan ko lang daw ng picture. Pagbalik niya sa ‘kin, naka-laminate niya, sabi niya kunin mo na ‘yan doon,” sabi ng suspek.

“Nung binuksan, hindi naman ako umalis kasi hindi ko naman alam na droga talaga sir,” dagdag ng suspek.

(JESSE KABEL RUIZ)

51

Related posts

Leave a Comment