MAGDYOWANG PRANSES, PINAY NATAGPUANG PATAY SA TENT

BOHOL – Natagpuang walang buhay ang mag-live -in partner na isang French national at Pinay sa loob ng isang camping tent na itinayo sa loob ng isang pribadong subdivision sa Tagbilaran City, sa lalawigan nitong Biyernes ng umaga.

Ayon sa inisyal na report ng Bohol Police Provincial Office (BPPO), natagpuan ang mga labi ng French national na may edad 39-anyos, at ng Pinay na may edad 30-anyos, sa loob ng tent na itinayo sa loob ng Camella Homes sa Barangay Bool.

Ayon sa BPPO, isang residente ang nagpaabot sa kanila ng impormasyon na may dalawang bangkay ng tao ang natuklasan sa bakanteng lugar.

Sa pagsisiyasat, bumungad sa mga imbestigador ang masangsang na amoy ng kemikal na nanggagaling sa loob ng tent.

At nang tingnan, nakumpirmang patay na ang dalawang nasa loob nito.

May nakita rin ang mga imbestigador na lalagyan ng muriatic acid at isa pang klase ng kemikal na pinaniniwalaang Hydrogen Sulfide.

Napag-alaman din na dalawang taon na silang umuupa sa isang unit sa Camella Homes.

Nagsasagawa pa ng malalimang na imbestigasyon ang pulisya sa pinangyarihan upang malaman kung paano nangyari ang pagkamatay ng dalawa at kung may foul play sa insidente.

(NILOU DEL CARMEN)

63

Related posts

Leave a Comment