3 TERORISTA NAPATAY SA LANAO ENCOUNTER

PATAY ang tatlong kasapi ng Daulah Islamiyah-Maute Group habang tatlong matataas na kalibre ng baril ang nabawi ng militar sa sagupaan sa Lanao del Norte.

Kinilala ang tatlong napatay na sina Nezrin Sandab, a.k.a. Firdaus; Saipal Abubacar, a.k.a. Fariz; at Pabo Zainoden Radia, a.k.a. Musab habang may isang sundalo na nasugatan.

Ayon sa ulat na ibinahagi ni AFP Western Mindanao Command, Public Information Office chief, Maj. Andrew Linao, patuloy na ginagalugad ng militar ang mga hinihinalang pinagkukublihan ng mga terorista sa layuning malipol ang mga ito na itinuturing na salot sa lipunan.

Nabatid na isang grupo ng DI-MG ang nasabat ng mga tauhan ng 103rd Infantry Brigade sa Barangay Lindongan, Munai, Lanao del Norte nitong nagdaang Linggo.

Tumagal ng kulang sa kalahating oras ang sagupaan bago nagpasya ang mga terorista na abandonahin ang tatlong napatay na kasamahan para mabilis na makatakas.

Bukod sa mga napaslang ay nakarekober ang mga sundalo ng tatlong M14 rifles, 7.62mm ammunition, at anim na backpacks sa isinagawang clearing operation sa encounter site.

Pinapurihan naman ni Western Mindanao Command chief, Lt. Gen. William Gonzales ang mga sundalo mula sa 103rd Infantry Brigade sa matagumpay na focused military operation.

“We ask for prayers from the peace-loving people of Mindanao for the safety of our soldiers who continuously work hard to successfully eliminate the remaining threats in our area of operation,” ani Lt. Gen. Gonzales.

(JESSE KABEL RUIZ)

68

Related posts

Leave a Comment