KATAGAY KINATAY NG 16-ANYOS

CAVITE – Tinutugis ng pulisya ang isang 16-anyos na Grade 10 student makaraang saksakin ng isang ice pick ang nakatatandang kainuman na namagitan sa away ng mga bagets at nagresulta sa kamatayan ng biktima sa bayan ng Silang sa lalawigan nitong Lunes ng madaling araw.

Isinugod sa Silang Specialist Medical Center (SSMC) ang biktimang si alyas “Kev”, 29, isang construction worker, ng Brgy. Biga 1, Silang, Cavite ngunit idineklarang dead on arrival dahil sa saksak sa dibdib.

Kinilala naman ang suspek na isang Grade 10 student, ng Barangay Adis,Silang, Cavite, na tumakas matapos ang insidente.

Ayon sa ulat, nag-iinuman ang biktima at ang suspek kasama ang ilang kaibigan dakong alas-12:50 ng madaling araw sa Brgy. Biga, Silang, Cavite ngunit hindi nagkaintindihan ang suspek at mga bagets niyang kainuman.

Dahil ang biktima ang nakatatanda sa mga nag-iinuman, tumayo ito at tinangkang mamagitan sa away ng mga bagets na ikinagalit ng binatilyo.

Bigla na lamang umanong dinampot ng suspek ang ice pick sa lamesa at inundayan ng saksak ang biktima.

Matapos ang pananaksak ay tumakas ang suspek habang ang biktima ay isinugod sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.

(SIGFRED ADSUARA)

58

Related posts

Leave a Comment