50 CHINESE VESSELS NAMATAAN SA WPS

MAY namataang 50 Chinese vessels sa karagatang sakop ng Pilipinas nitong mga nagdaang araw.

Ito ay makaraan ang panibagong harassment ng mga barko ng China sa mga barko ng Philippine Coast Guard sa West Philippine Sea.

Sa isinagawang monitoring ng Armed Forces of the Philippines (AFP), mayroong pitong China Coast Guard, 18 Chinese maritime militia vessels, 29 na maliliit na Chinese fishing boats ang kanilang namataan sa mga isla at features na sakop ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.

Kinumpirma ni AFP Spokesperson Col. Margareth Francel Padilla, ang mga ito ay namataan sa Bajo de Masinloc Shoal, Ayungin Shoal, Pag-Asa Island, at Panatag Island.

Samantala, bukod dito ay iniulat din ni Col. Padilla na tuloy pa rin ang pagsasagawa ng AFP ng rotation and resupply mission sa lahat ng features sa Western section ng EEZ ng ating bansa.

Kasalukuyang pinaghahandaan ng AFP ang isasagawang RORE mission sa Pag-Asa, Kota, Panatag, at Parola Shoal, anomang araw sa susunod na buwan.

Samantala, inihayag ng China na walang silang hidwaan ng Pilipinas patungkol sa sinasabing pinag-aagawang mga teritoryo dahil hindi umano ito kailangang pagtalunan dahil sila ang may “indisputable sovereignty” sa mga isla sa pinagtatalunang karagatan.

Ito ang naging pahayag ng China bilang tugon sa desisyon ng gobyerno ng Pilipinas na hindi ikonsidera ang concept paper na isinumite ng panig ng China kaugnay sa maritime dispute.

Ayon kay Wang Wenbin, tagapagsalita ng Foreign ministry ng China, handa ang China na ipagpatuloy ang maayos na pamamahala sa mga pagkakaiba nito sa Pilipinas sa pamamagitan ng diyalogo at konsultasyon.

Kasabay nito, nilinaw rin ni Wang Wenbin na gagawa rin ang China ng mga determinadong hakbang upang mahigpit na pangalagaan ang soberanya ng kanilang teritoryo at mga karapatan at interes sa karagatan.

Una na ngang sinabi ng Philippine Foreign Department noong Martes na nakatanggap sila mula sa China ng ilang concept papers kaugnay sa iba’t ibang panukalang may kinalaman sa maritime dispute sa West Philippine Sea ngunit hindi ikinokonsidera ang ilan sa mga ito dahil labag sa pambansang interes ng bansa sa Southeast Asia.

Isa sa mga panukala mula sa China ay ang paggiit nito ng mga aksyon ng pagsang-ayon o pagkilala sa kontrol at pangangasiwa ng China sa Second Thomas Shoal o Ayungin Shoal dahil ang teritoryo nito ay hindi maaaring ikonsidera ng Pilipinas na hindi nilalabag ang Konstitusyon ng Pilipinas o international law.

Una rito, sinabi ng DFA sa isang statement na nagulat ito sa pagsisiwalat ng China ng mga sensitibong detalye hinggil sa kanilang bilateral talks at binigyang-diin na kanilang tinutugunan ang naturang confidential negotiations nang may buong sinseridad.

(JESSE KABEL RUIZ)

23

Related posts

Leave a Comment