P337-M DROGA NADISKUBRE SA BALIKBAYAN BOXES

TINATAYANG umabot sa halagang P337.73 milyon ang illegal drugs na nasabat ng Bureau of Customs (BOC)-Port of Manila (POM) matapos madiskubre ang mga kontrabando na itinago sa balikbayan boxes nitong nakalipas na linggo.

Ayon sa Custom officials, sumailalim sa initial verification, at K9 inspection ang mga kargamento base sa nakitang mga imahe nang idaan sa X-ray machine.

Kasunod ng K-9 inspection, isinalang ang balikbayan boxes sa Mobile X-Ray Rapiscan para higit pang mabusisi ang kargamento at saka hiniwalay ang mga ito at nilagyan ng tag para sa comprehensive physical examination.

Sumaksi sa isinagawang physical examination ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) K-9 Unit, POM-XIP, CAIDTF, ESS, CIIS, at maging ang consignee ng kargamento.

Base sa physical examination na ginawa ng Aduana, lumitaw na may 18 balikbayan boxes ang naglalaman ng ipinagbabawal na kargamento.

Kabilang dito ang limang boxes na may 122 packs o 132,100 grams ng high grade marijuana o kush, na may estimated street value na umabot sa P158,520,000.

Bukod pa sa 13 boxes na naglalaman naman ng 344 pakete ng high grade marijuana, na tumitimbang ng 147,007 grams, at may estimated value na umabot sa P176,408,400.

Kasama dito ang tatlong pakete ng dried mushrooms na nagtataglay ng Psilocybin, na may halagang P312,592 para sa 560 grams, at 2,234 grams ng cannabis oil na nakapaloob sa 1,117 piraso ng e-cigarettes, na may estimated value na P2,494,037.60.

Kapwa iniimbestigahan ng PDEA ang forwarder at may-ari ng mga kahon dahil sa posibleng paglabag sa Republic Act (RA) No. 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at RA 10863, Section 118, o Customs Modernization and Tariff Act.

Ayon kay Acting District Collector Rizalino Jose C. Torralba, tinitiyak ng Port of Manila na laging alerto sila sa pagmamatyag at pipigilan ang pagpasok ng illegal drugs sa Pilipinas.

Sinabi pa ni Torralba, sa ilalim ng pamumuno ni Comm. Bienvenido Rubio…, “We are dedicated to preventing smugglers from resorting to such tactics in the future”.

“Safeguarding the integrity of balikbayan boxes, which hold significant meaning for us Filipinos, is crucial. Utilizing this tradition as a smuggling method is completely unacceptable, and we are committed to ensuring that such actions are thwarted,” pahayag pa ni Comm. Rubio.

(JESSE KABEL RUIZ)

49

Related posts

Leave a Comment