6-DOOR APARTMENT NILAMON NG APOY SA LUCENA CITY

LUCENA CITY – Tinupok ng apoy ang isang 6-door apartment nang sumiklab ang sunog sa isang residential area sa lungsod, mag-aalas-6:00 ng gabi noong Martes.

Ayon sa report ng Bureau of Fire Protection – Lucena, nagsimula ang apoy sa isang pinto ng apartment na pag-aari ni Genina Palillo at inookupa ng tenant na si Melody Cueto Alcala, sa Ibarra St., Barangay 1, dakong alas-5:56 ng hapon at mabilis na kumalat sa katabing mga istruktura.

Agad namang nagresponde ang mga pamatay sunog ng Lucena City BFP at itinaas sa ikalawang alarma ang sunog.

Tumagal ng halos isang oras ang sunog at idineklarang fire-out dakong alas-7:04 ng gabi.

Tinataya ng BFP na umabot sa P100,000 ang halaga ng pinsala, at pitong pamilya na binubuo ng 32 indibidwal, ang naapektuhan ng sunog.

Ito ang ikalawang sunog na nangyari sa halos parehong lugar ngayong taon.

Nito lamang Enero 26 ng madaling araw, apat na magkakapamilya ang namatay nang masunog ang kanilang tinitirahang dalawang palapag na bahay, na kalapit lamang ng nasunog na kabahayan noong Martes.

(NILOU DEL CARMEN)

40

Related posts

Leave a Comment