6 SUGATAN SA KARAMBOLA NG 3 SASAKYAN SA QUEZON

QUEZON – Anim ang sugatan sa karambola ng tatlong sasakyan sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Brgy. Balubad sa bayan ng Atimonan, sa lalawigang ito, pasado alas-12:00 ng tanghali noong Miyerkoles.

Ayon sa report ng Atimonan police, ang mga nasangkot sa karambola ay isang Toyota Avanza na minamaneho ni Eugene Anthonue Sarino Palostre, 32; isang Isuzu Rebuilt Jitney na minamaneho ni Ramelito Perez Lucila, 51, at isang dump truck na minamaneho naman ni Loreto Boria Bernardino, 45-anyos.

Batay sa imbestigasyon, nasalpok ng dump truck ang hulihang bahagi ng jeep habang ang mga ito ay magkasunod na tumatakbo patungong north direction.

Napunta sa opposite lane ang jeep kaya nakasalpukan nito ang kasalubong na Avanza.

Nagresulta ito sa pagkakasugat ng nagmamaneho sa Avanza at kanyang tatlong sakay na sina Romeo Metran Erlandez, 65; Lorelie Roxas, 47, at isang batang lalaki.

Nasugatan din ang dalawang pasahero ng jeep na sina Devino Daelo Arcañeses, 59, at Russel Ramirez Verania, 28.

(NILOU DEL CARMEN)

125

Related posts

Leave a Comment