8-anyos na bata isinilid sa suitcase KIDNAP VICTIM NASAGIP NG MGA PULIS

BUNSOD nang mabilis na pagkilos ng mga awtoridad, nasagip isang 8-anyos na batang babae na dinukot at isinilid sa luggage suitcase na may gulong para agad na mailayo mula sa kanilang bahay sa Mandaue City.

Ayon sa ulat, dahil sa CCTV footages ay agad natunton ng Mandaue City Police Office ang pinagdalhan ng suspek sa batang kinidnap at isinilid sa itim na luggage trolley suitcase mula sa Barangay Bakilid, ng nasabing siyudad kamakalawa ng hapon.

Nakita sa footages na itinutulak ng isang lalaki ang maletang may gulong bandang tanghali palabas ng bahay hanggang sa kalsada lagpas katanghalian.

Agad namang humingi ng tulong sa mga awtoridad ang ina ng bata at kinahapunan agad na pinakilos ng Mandaue City PNP ang kanilang intelligence unit.

“PRO 7 immediately formed an elite team of intelligence officers to rescue the minor kidnap victim, return her to the custody of her parents and arrest the perpetrator,” pahayag ni Police Lt. Col. Gerard Ace Pelare, tagapagsalita ng PNP Police Regional Office 7.

Lumitaw sa imbestigasyon na kabisado ng suspek ang pasikot-sikot sa bahay dahil katiwala ito ng pamilya ng biktima sa kanilang apartment.

Sinabi pa ni P/Col. Jeffrey Caballes, Mandaue City Police Station chief, may kinikimkim na galit ang suspek sa lolo at lola ng biktima.

Matapos ang tatlong oras ay naibalik ang bata sa mga magulang nito sa tulong ng mga tauhan ng Women and Children Protection Desk ng PRO 7.

Inihahanda na ang kasong kidnapping laban sa suspek.

(JESSE KABEL RUIZ)

134

Related posts

Leave a Comment