ABANDONADONG ESKWELAHAN SA IMUS CITY, NINAKAWAN

CAVITE – Nilimas ng isang lalaki ang ilang computer set ng isang abandonadong eskuwelahan sa Imus City noong Sabado ng gabi.

Subalit nabigo naman ang suspek na si alyas “Juanito” na maiuwi ang nasabing mga computer set dahil may mga mata na nakamanman sa kanya sa kanyang pagtakas.

Ayon sa ulat, bandang alas-12: 30 ng hapon nang puwersahang pasukin ng suspek ang School of Montessori Professional College sa Brgy. Bayan Luma VII, Imus City, sa pamamagitan ng puwersahang pagsira ng padlock nito sa labas.

Nang makapasok, pinutol nito ang mga kable at tinangay ang ilang computer set sa nasabing eskuwelahan.

Subalit isang residente malapit sa lugar ang nakakita habang papatakas ang suspek kaya ipinagbigay-alam nito sa kanilang barangay na nagresulta sa pagkakaaresto kay Juanito.

Narekober sa suspek ang ilang cable wires, isang computer set na kinabibilangan ng monitor, CPU at power supply.

Ang nasabing eskuwelahan ay inabandona na at wala nang nagsisipag-aral.

(SIGFRED ADSUARA)

40

Related posts

Leave a Comment