BABAENG MISSING SA BOHOL, NATAGPUAN SA SAKO

BOHOL – Makaraan ang 12 araw na pagkawala, natagpuang bangkay sa loob ng sako ang isang babae sa ilalim ng bangin sa Barangay Cansuaguit, Loon sa lalawigan, noong Lunes ng hapon.

Kinilala ang biktimang si Roselyn Gaorian, na iniulat na nawawala ng Tubigon Police Station mula pa noong Abril 3, 2024.

Huli siyang nakita sa kanyang trabaho bilang cashier sa isang LPG outlet sa Barangay Pinayagan Sur, bayan ng Tubigon.

Pagkatapos ng araw na iyon, hindi na ito nakauwi at hindi na rin makontak sa kanyang cellphone number.

Ayon sa imbestigasyon, mismong ang naghahanap na mister nito at kapatid ang nakapansin sa masangsang na amoy na nagmumula sa isang madamong lugar sa ilalim ng bangin habang ang mga ito ay nagpapahinga sa lugar matapos abutan ng ulan sa paghahanap sa biktima.

Nang kanilang tingnan, natuklasan na sa isang sako na natatakpan ng bato nanggagaling ang amoy at agad nilang ini-report sa pulisya.

Ayon sa Loon Police Station, positibong kinilala ng kanyang mister na ang natagpuang labi ang kanyang nawawalang asawa.

Ayon kay Police Major Rey Olar, hepe ng Loon Police Station, malaki ang posibilidad na pinaslang ang biktima bago itinapon ang katawan nito sa lugar.

Hindi rin inaalis ng pulisya ang posibilidad na ginahasa ito bago pinaslang.

(NILOU DEL CARMEN)

46

Related posts

Leave a Comment