BATANG BABAE GINAHASA’T PINATAY SA KUWEBA

QUEZON – Isang 7-anyos na batang babae na hinihinalang ginahasa ang natagpuang patay sa loob ng isang kuweba sa magubat na bahagi ng Barangay Palola sa bayan ng Lucban sa lalawigan, noong Linggo ng umaga.

Unang ini-report sa Lucban Police ng magulang ng bata na nawawala ang biktimang si Rafaela Aliah Falible, Grade 2 student, nang hindi ito makauwi noong Sabado ng gabi.

Nadiskubre naman ng tiyo ang krimen nang habang hinahanap nito ang bata sa lugar ay makita nito ang isang lalaki na kapitbahay ng biktima, na may dalang panghukay habang lumalabas sa kuweba.

Nang makalayo ang lalaki, tinungo nito ang kuweba at doon nakita ang tsinelas ng bata.

Napansin dito ang mga bato na tila inayos ang pagkakalagay at nang kanyang alisin ay tumambad sa ilalim ang wala nang buhay na biktima.

Agad itong nag-report sa pulisya at sa pagsisiyasat ay positibong kinilala ng kanyang ina ang bata.

Natuklasan na nakagapos ang mga kamay nito at walang saplot na pang ibaba.

Agad nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad at inaresto ng 33-anyos na lalaki na kinilalang si Noel Bojilador Diaz, siyang nanggaling sa kuweba at itinuring na suspek sa krimen.

Isasailalim sa pagsusuri ng SOCO ang labi para malaman ang dahilan ng pagkamatay nito at kung ginahasa ang biktima.

(NILOU DEL CARMEN)

101

Related posts

Leave a Comment