CYBER LIBEL ISINAMPA VS EX-COUNCILOR, NEGOSYANTE

judge12

PATONG-PATONG na kasong cyber libel case ang isinampa ni Mayor Roderick Tiongson ng San Miguel, Bulacan, sa isang dating municipal councilor at isang businesswoman dahil sa serye ng social media post at Facebook Live ng umano’y paninirang puri sa alkalde, noong Enero 11, 2024.

Pormal na nagsampa ng kaso si Mayor Tiongson sa Bulacan Provincial Prosecutor’s Office kontra kay dating municipal councilor Melvin Santos ng Barangay Camias, San Miguel, na nahaharap sa 5 counts ng paglabag sa RA 10175 (cyber libel) gayundin sa negosyanteng si Mary Grace De Leon, ng Barangay Sta. Rita, na nahaharap naman sa 12 counts ng kaparehong kaso.

Nasa kabuuang P17-milyon ang danyos na hinihingi ng alkalde para sa naturang mga kaso.

Ayon kay Tiongson, paninira sa personal niyang pagkatao ang mga serye ng social media post at FB live nina Santos at De Leon na nagsimula pa noong Nobyembre 2023.

Sinabi naman ni Atty. Joey Cruz, abogado ni Tiongson, nag-ugat ang reklamo dahil sa serye ng social media posts at FB live nina Santos at De Leon na umano’y direktang pag-atake sa personal na pagkatao ng alkalde kabilang na ang bintang na korupsyon sa kaban ng bayan, mamamatay tao, imoralidad at pamomolestiya sa tao.

Samantala, sa text message nina Santos at De Leon, sinabi ng mga ito na bagama’t wala pa silang natatanggap na kopya ng complaint, ay nakahanda silang sagutin ang nasabing kaso sa korte.

(ELOISA SILVERIO)

41

Related posts

Leave a Comment