BOMB EXPERT ARESTADO SA AFP-PNP JOINT OPERATION

NORTH COTABATO – Isang tinaguriang bomb expert na sangkot umano sa serye ng mga pagpapasabog, ang nadakip sa inilunsad na joint law enforcement operation ng militar at pulisya sa Barangay Salat, bayan ng President Roxas sa lalawigang ito, noong Martes ng madaling araw.

Ayon kay Maj. Gen. Roy Galido, commander ng  Joint Task Force Central, nadakip ng kanyang mga tauhan, katuwang ang local police, si Jordan Akmad, alyas Jordan Kamad, kilalang improvised explosive device (IED) maker, bomber, at kasapi ng Daulah Islamiyah-Hassan Group na sangkot sa extortion activities.

Si Akmad ay nadakip ng pinagsanib na puwersa ng 602nd Infantry Brigade, sa pamumuno ni Col. Donald Gumiran; President Roxas Municipal Police Station; 90th at 72nd Infantry Battalions, 1st Scout Ranger Battalion, at military intelligence units.

Nabatid na may standing warrant of arrest sa kasong murder at multiple frustrated murders ang nadakip na terrorist/extortionist. Sinasabing sangkot ang suspek sa pambobomba sa bus terminals sa Davao City at Kabacan, Cotabato.

Kasamahan umano nito si Ali Akbar, ang lider ng Al Khobar Group na nauna nang nadakip noong Hunyo 2021 sa bisa ng inilabas na warrant of arrest.

Si Akbar ay siyang  utak umano sa YBL bus bombing sa Tulunan, North Cotabato noong Enero 2021, at pagsunog sa YBL bus sa M’Lang, North Cotabato noong Hunyo ng nasabing taon  na ikinamatay ng apat na katao.

Pansamantalang nakadetine si Akmad sa President Roxas MPS para sa paghahain ng kaukulang kaso.

“I commend the troops of Joint Task Force Central for this remarkable accomplishment. The Western Mindanao Command, through its joint task forces, will continue to work with our partners from the PNP and other security agencies to keep the communities safe and free from violence,” pahayag ni Brig. Gen. Arturo Rojas, WestMinCom acting commander. (JESSE KABEL RUIZ)

23

Related posts

Leave a Comment