BSKE TULOY SA NEGROS ORIENTAL

WALA nang dapat ipangamba ang mga kandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Negros Oriental dahil itutuloy na ang halalan sa nasabing lalawigan sa Oktubre 30.

Ito ay sa kabila ng apela para sa pagpapaliban nito dahil sa napaulat na karahasan sa pulitika sa lalawigan.

Gayunman, ipinunto ni Chairman George Garcia na ang buong probinsya ay isasailalim sa Comelec control at ang mga kinakailangang guidelines kung paano ito ipatutupad, ay ilalabas sa lalong madaling panahon.

Sa press conference, sinabi nito na nagdesisyon ang Comelec en banc na ituloy ang botohan pero ilalagay sa Comelec control ang buong probinsya.

Dagdag pa ni Garcia, base sa nakalap na mga papeles, dokumento, ebidensya mula sa lugar kung saan nagkaroon ng tatlong araw na pagdinig ang Comelec, napatunayan na gusto ng mga kababayan na ituloy ang eleksyon sa nasabing petsa.

Sang-ayon din aniya dito ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ang pagpapaliban ng BSKE election sa nasabing probinsya ay hiniling ni Pamplona Major Janice Degamo at walong iba pang mayor mula sa Negros Oriental, na binanggit ang mga alalahanin sa peace and order.

(RENE CRISOSTOMO)

107

Related posts

Leave a Comment