BULONG PALIT PWESTO TABLADO KAY CONG. SANDRO

HINDI makikialam at walang planong sumawsaw ang kongresistang presidential son sa usapin ng pagtatalaga ng mga posisyon at chairmanship ng mga komite sa Kongreso.

Pag-amin ni Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, may ilan na aniyang kapwa kongresista ang nagtangkang lumapit at nakiusap sa kanya para maitalaga sa pwesto o makasungkit ng isang komite sa Kamara.

“Hindi ako nakikialam sa anumang appointment especially in Congress,” pahayag ng batang Marcos sa ambush interview kahapon matapos dumalo sa orientation seminar para sa mga bagitong mambabatas.

Sa datos ng Kamara, tanging ang pwesto ng Speaker – na gagampanan ni Leyte Rep. Martin Romualdez – ang okupado, habang nananatili namang bukas ang posisyon ng Deputy Speaker, majority floor leader at mga chairmanship, vice-chairmanship at kasapian ng iba’t ibang komite sa Kamara.

Aniya, siya man ay blangko kung sino ang itatalaga bilang majority floor leader sa ilalim ng 19th Congress.

Hindi aniya nais makialam sa pagtatalaga ng amang Pangulo sa executive department bagama’t aminado rin ang anak ng Pangulo na maraming tao na ang lumalapit sa kanya para magpatulong na magkaroon ng posisyon sa gobyerno.

“Sa totoo lang, ang daming humihingi ng tulong at lagi kong sinasabi hindi ako nakikialam sa ganun. I am here as a congressman. Hindi ako nakikipag-usap sa mga taong gustong humingi ng appointment,” pahayag pa ni Rep. Marcos.

Gayunpaman, tumanggi ang bagitong kongresista pangalanan ang mga lumapit sa kanya. (BERNARD TAGUINOD)

78

Related posts

Leave a Comment