CHECKPOINT NASAGASAAN; RMFB MEMBER PATAY, 1 PA SUGATAN

CAVITE – Patay ang isang miyembro ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB) habang sugatan ang ka-buddy nito nang masagasaan ng isang umano’y lasing na driver sa checkpoint sa bayan ng Silang sa lalawigan, noong Linggo ng madaling araw.

Kapwa dinala sa Silang Specialist Medical Center ang mga biktimang sina Pat. John Carl Austria Delyola, 27, at Pat. Adriane Carandang Atienza, 29, kapwa miyembro ng 401st Maneuver Company, RMFB 41, subalit namatay ang una.

Kinilala naman ang driver ng isang D’MAX pick-up na may plakang TOF 638, na si Jemuelle Arvee Bernardo Belen, 22, isang estudyante, ng Silang, Cavite.

Ayon sa ulat, dakong alas-2:40 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa isang checkpoint na inilatag ng 401st Maneuver Company ng RMFB sa kahabaan ng Aguinaldo Highway sa Brgy. Tubuan-2, Silang, Cavite.

Minamaneho umano ng suspek ang kanyang sasakyan galing sa Tagaytay patungo sa silangan, ngunit pagsapit sa lugar ay nasagasaan nito ang checkpoint kung saan naroroon ang mga biktima.

Agad namang nadakip ang suspek na positibo sa alcohol breath analyzer.

(SIGFRED ADSUARA)

46

Related posts

Leave a Comment