DATING OPISYAL NG ARMM RESPONSE TEAM, PATAY SA AMBUSH

COTABATO CITY – Patay ang dating director ng ARMM Humanitarian Emergency Assistance and Response Team o ARMM HEART, matapos tambangan habang sakay ng kanyang van sa Ramon Rabago Street, Mother Rosary Heights sa lungsod noong Linggo ng gabi.

Ayon sa report ng Cotabato City Police, sakay ang biktimang si Engr. Ramil Masukat ng kanyang Toyota Avanza nang pagbabarilin ng mga suspek na sakay ng motorsiklo sa mataong lugar, hindi kalayuan sa police station sa Rabago Street sa Purok Balikatan.

Bagama’t may mga tama ng bala, nakapagmaneho pa ito papalayo ngunit dahil wala nang kontrol sa manibela, nakasabit pa ito ng ilang mga sasakyan.

Huminto ito sa tapat ng isang gasoline station at saka nagpadala sa ospital subalit nalagutan ng hininga.

Napag-alaman na ito ang ikalawang beses na pag-ambush sa biktima na tinambangan din noong Nobyembre 2023 sa boundary ng mga bayan ng Mamasapano at Shariff Aguak ngunit nakaligtas.

(NILOU DEL CARMEN)

31

Related posts

Leave a Comment