DABAWENYO NAGMARTSA KONTRA SUHULAN SA CHA-CHA

NAGMARTSA ang ilang mga residente ng Davao City dahil sa pagkadismaya at pagtutol sa pagpapapirma ng mga pulitiko kaugnay sa binabalak na Charter change ng mga mambabatas.

Dala ng ilang Dabawenyo sa isinagawang parada mula sa Calinan, Davao City patungong city proper, ang mga tarpaulin at karatula na may nakaimprentang “Dabawenyos are not for sale.”

Pagdating sa Rizal Park, idinaos ang isang programa na pinangunahan ng mga barangay official at ng mga residente bilang pagtutol sa signature campaign para sa People’s Initiative kaugnay sa Charter change.

Ayon sa mga dumalo sa aktibidad, hindi umano pinaiintindi nang mabuti ang layon ng signature campaign.

Ipinaskil sa ilang lugar sa Davao City ang nasabing mga tarpaulin.

Sa pahayag naman ni Vice President Sara Duterte, sinabi nitong araw-araw umanong nangyayari sa Davao City at iba pang mga lugar sa bansa, ang binansagan niyang “Pera kapalit ng pirma para sa People’s Initiative”.

Ayon pa rito, “Isa itong repleksyon ng pagkahilig ng mga politiko na bumili ng boto tuwing eleksyon”.

Isa umano itong pagsasamantala sa kahirapan ng mamamayan at kawalan ng respeto sa kanilang karapatan na magdesisyon nang malaya, walang takot, o impluwensya gamit ang salapi.

Pinaalalahanan din ni Duterte ang mga Pilipino na ang pirma ay maaaring may seryoso at hindi mabuting kapalit sa buhay, kalayaan, at kinabukasan.

(NILOU DEL CARMEN)

43

Related posts

Leave a Comment