DAGDAG-SAHOD SIGAW SA LABOR DAY PROTEST

MARIING iginiit ng mga grupo ng mga manggagawa at iba pang organisasyon sa isinagawang kilos-protesta sa Metro Manila nitong Labor Day, ang panawagan para sa pagtataas ng sahod.

Nabatid na nagtipon-tipon ang mga manggagawa at nagprotesta sa iba’t ibang lugar tulad ng España Boulevard at Recto Avenue sa Maynila gayundin sa Mabuhay Rotonda sa Quezon City at nagpaplanong magmartsa patungong Mendiola.

“Ang pinapanawagan namin talaga legislated wage increase. Kailangan na ng manggagawa ng dagdag. Masyadong naiiwan ang sahod,” ayon kay Workers for People’s Liberation (WPL) Secretary General Primo Amparo.

“Partikular, dapat nga living wage. Siyempre, kung ano ang kayang ilaban naming manggagawa kahit papaano. Kailangan talaga magkaroon ng dagdag ngayon kasi matindi na talaga ang epekto ng krisis sa buhay ng manggagawa,” dagdag pa nito.

Samantala, nanawagan din ang mga nagprotesta para sa P150 across-the-board daily recovery increase.

 

*BBM walang pake sa mga obrero

KINASTIGO ng mga militanteng mambabatas sa Kamara si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., dahil mistulang wala itong pakialam sa uring manggagawa sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Kahapon bilang paggunita sa Labor Day, nagsagawa ng kilos-protesta ang mga manggagawa na sinamahan ng mga miyembro ng Makabayan bloc sa Kamara na kinabibilangan nina ACT Party-list Rep. France Castro, Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas, at Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel.

Ayon kay Castro, anti-workers ang mga polisiya ni Marcos Jr., dahil pinagdadamutan niya ang mga ito ng disenteng suweldo at pinarami pa ang walang trabaho dahil itinuloy ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

“It is unacceptable that the administration has chosen to prioritize the interests of big business over the welfare of our workers. The lack of a substantial wage increase is a clear example of this administration’s disregard for the plight of the working class,” ani Castro.

Matagal nang nakabinbin aniya ang P750 across the board wage increase bill subalit hindi ito binibigyan ng prayoridad at bagama’t sinimulan nang dinggin ang P100 wage increase ay hindi pa rin ito naiaakyat sa plenaryo.

Ayon naman kay Brosas, alam ni Marcos na hirap na hirap na ang mga manggagawa na pagkasyahin ang kanilang kakarampot na sahod dahil sa patuloy na paglobo ng inflation rate subalit dedma ito.

Indikasyon aniya ito na mas mahalaga kay Marcos ang interes ng malalaking negosyante kaysa mga manggagawa na malaki ang papel sa ekonomiya ng bansa at sa patuloy na pagyaman ng mayayamang mga sa bansa.

 

*6 inaresto sa rally sa US Embassy

NAGKAGIRIAN ang mga raliyista at mga pulis sa US Embassy at kahabaan ng Kalaw St., kung saan binomba ng tubig ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection ang mga manggagawa.

Alas-5 pa lamang ng umaga kahapon ay nagsimula nang magtipon-tipon at nagmartsa ang mga rallyista dakong alas-6 ng umaga.

Mayroon ding mga grupo ng raliyista ang nanatili sa Raja Soliman sa Roxas Boulevard upang magsagawa ng maikling programa.

Sa nasabing aktibidad, anim na kabataan ang inaresto sa nangyaring rally sa US Embassy.

Kabilang din sa nagprotesta ang grupong Manibela na nagtungo sa Quirino Grandstand, na hinaing na huwag ituloy ang pag-phase out ng lumang jeep.

Gayundin ang grupong Anakpawis, Migrante, PISTON, KMU, Kabataang party-list, ACTS party-list, Kadamay at iba pa na nagtungo sa Liwasang Bonifacio.

Dahil kaliwa’t kanan ang protesta sa lungsod, puspusan naman ang pagbabantay ng mga awtoridad upang hindi sila malusutan ng mga raliyista.

Nasa 20,000 ang ipinakalat na mga miyembro ng pulisya sa nasabing aktibidad. (PAOLO SANTOS/BERNARD TAGUINOD/JOCELYN DOMENDEN)

86

Related posts

Leave a Comment