ECO CHA-CHA APRUB

MATAPOS ang anim na araw na marathon hearing, inaprubahan na sa committee level ang Resolution of Both Houses (RHB) No. 7 o mas kilala bilang economic Charter change (Cha-cha).

Sa pamamagitan ng viva voce voting, idineklara ni House Majority Leader Manuel Jose Dalipe na nanaig ang Aye o yes vote sa Nye o no Vote sa committee report ng Committee of the Whole sa RBH No.7

“The Ayes have it, the committee report of the Whole regarding the resolution of Both Houses No. 7 is hereby adopted,” deklarasyon ni Dalipe kasunod ng mosyon ni Mandaluyong Rep. Neptali “Boyet” Gonzales III na aprubahan ito.

Sinimulan ng Kamara ang pagdinig sa nasabing resolusyon noong Pebrero 26 kung saan tatlong araw kada linggo ang public hearing at matapos ang anim na araw ay tinapos na ito kahapon at saka ginawa agad ang committee report.

Huling isinalang bilang resource person sina dating Sen. Gregorio Honasan, dating secretary Margarito Teves, Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Jesus Domingo and Finance Undersecretary Rosemarie Edillon na pawang sumusuporta sa Cha-cha.

Sa susunod na linggo ay isasalang na sa plenary debate ang committee report na ayon kay Gonzales ay target nilang maipasa sa ikalawang pagbasa at maaprubahan naman sa ikatlo at huling pagbasa bago magbakasyon ang Kongreso para sa Lenten Break sa Marso 22.

Ayon kay Gonzales, tinupad nila ang kanilang pangako na tatapusin at ipapasa agad ang Eco Cha-cha subalit hanggang ngayon aniya ay hindi pa tapos ang Senado sa pagdinig sa kanilang RBH No.6 na pinagkopyahan sa RBH No.7.

Kabilang sa mga aamyendahan sa 1987 Constitution ang Articles Xll, XlV at XVl kung saan sisingitan ito ng “otherwise provided by law” upang mas mapadali umano ang pagpasok ng mga foreign direct investment na magpapasigla sa ekonomiya ng bansa.

“Walang pakinabang dito, panay peligro lamang ang dulot ng Cha-cha dahil lalo nitong isusubo ang ating bansa sa mas matinding abuso, pagsasamantala, at pandarambong,” paliwanag naman ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas sa kanyang Nye o no vote.

(BERNARD TAGUINOD)

49

Related posts

Leave a Comment